Paga-aralan ng Office of the President ang mga panawagan na nagsusulong ng autonomiya ng Cordillera region.
Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nang tanungin kung si-sertipikahan ba bilang ugent ang House Bill 3267 o ang panukala na layong mapalakas ng development sa Cordillera.
Sa gitna na rin ito ng panawagan ng local leaders ng suporta mula sa pangulo, para maisulong ang panukala.
Sa ambush interview sa Apayao, ipinaliwanag ng pangulo na ang mga proposal kasi na ito ay posibleng humarap sa legal challenge.
Gayunpaman, sa ilalim aniya ng 1987 Constitution, pinayagan naman ang pagbuo ng dalawang autonomous regions.
“There is a constitutional question in this. Because the 1987 Constitution allows the creation of two autonomous region, the autonomous region… Kaya nabuhay ang ARMM no’n na naging BARMM, yung Autonomous Region in Muslim Mindanao.” —Pangulong Marcos.
Hindi lamang aniya nakakuha ng sapat na boto noon para matuloy ang plebesito sa Cordillera. Kaya’t kailangang mapagaralan kung maaari pa itong balikan.
“Tapos dapat dito rin. Ngunit hindi nakuha ang sapat na boto para dito. Ngayon, ang legal question is kung pwede bang balikan o sinabi ba ng Constitution, minsanan lang yan. So titingnan natin, pag aaralan natin nang mabuti.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan