“FAKE NEWS” kung ituring ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang umano’y “pasabog” ng isang dating Military General na ngayo’y vlogger na.
Ito’y makaraang ihayag ni retired Army General Johnny Macanas sa kaniyang pinakahuling vlog ang di umano’y walk out ng mga mataas na opisyal ng AFP sa kalagitnaan ng Command Conference sa kanila ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kamakailan.
Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, naroon siya sa sinasabing Command Conference at wala naman aniyang naganap na ganoong pangyayari.
Sa panig naman ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, RAdm. Roy Vincent Trinidad, ang naging pagbubunyag ni Macanas ay 50 percent fabrication, 50 percent imagination at 100 percent false.
Giit pa ng AFP, pinaiiral ng kanilang mga senior official ang pagiging professional at pananatiling tapat sa chain-of-command at ang mga ganitong uri ng impormasyon ay bunga ng isang “maritess warefare”.
Kaya naman, nanawagan si Trinidad sa publiko na maging maingat at suriing mabuti ang mga kumakalat na impormasyon gayundin ay tumutok lamang sa lehitimong source.
Magugunitang si Macanas ay ipinagharap na rin ni dating PNP Chief, retired PGen. Benjamin Acorda Jr ng kasong cyberlibel dahil sa pagdadawit nito sa kaniya hinggil sa umano’y tangkang destabilisasyon sa Pamahalaan. | ulat ni Jaymark Dagala