Pursigido ang Philippine National Police (PNP) na tanggalin ang lahat ng scalawag sa kanilang hanay.
Ito ang tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. matapos ipresenta kahapon sa Camp Crame ang dalawang dating pulis na persons of interest sa pagpatay kay beauty pageant contestant Geneva Lopez at Israeli boyfriend nitong si Yitshak Cohen.
Ayon kay Abalos, bagamat matagal nang naalis sa serbisyo ang dalawang dating pulis na si Michael Angelo Barrento at Rommel Medina Abuzo, kailangan ding alisin ang lahat ng “anay” sa Pambansang Pulisya.
Kaugnay nito, tiniyak ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil, na sinasala nilang mabuti ang lahat ng aplikanteng nais na pumasok sa PNP.
Hindi na raw baleng hindi mapunan ang kinakailangang numero sa kanilang recruitment basta’t dumaan sa tamang proseso at nararapat na malagay sa serbisyo ang mapipiling maging pulis. | ulat ni Leo Sarne