Mananatili ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ito ang pinanindigan ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, sa gitna ng alegasyon ng China na nakakasira sa “marine environment” ang presensya ng BRP Sierra Madre sa lugar.
Sa pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, binigyang diin ni Trinidad na ang BRP Sierra Madre ay simbolo ng pambansang teritoryo kaya hindi ito isusuko kailanman ng pamahalaan.
Bwelta ni Trinidad, mouthpiece ng China ang media na nagpapakalat ng mga maling impormasyon kaugnay sa BRP Sierra kaya dapat ay hindi na ito patulan.
Kung meron aniyang sumisira sa “marine environment” sa West Philippine Sea, ito ay ang China at hindi ang Pilipinas.
Una nang naglabas ng pahayag ang National Security Council at sinabing may mga ebidensya ang Pilipinas sa mga iresponsableng paninira ng corals ng China sa Bajo de Masinloc, Rozul Reef, Escoda Shoal, Sabina Shoal, at Pag-asa Cays 1, 2, at 3.