Bubuo ang Philippine National Police (PNP) ng Task Force na pangungunahan ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) para imbestigahan ang pagkalat ng pekeng video ng Pangulo sa aktong gumagamit umano ng ilegal na droga.
Sa Pulong balitaan sa Camp Crame, naglabas ng screenshots si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. para patunayan na “deep fake” ang naturang video, kasabay ng pagkondena sa pagpapakalat nito.
Tiniyak naman ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil na mananagot sa batas ang responsable sa naturang video.
Ayon kay Directorate for Investigation and Detection Management (DIDM) Acting Director Police Brigadier General Matthew Baccay, na mahaharap sa criminal at civil liability ang sinumang mapatunayang nasa likod ng pagpapakalat ng pekeng Video.
Ang naturang video ay ikinalat umano sa isang pagtitipon ng grupong MAISUG sa Los Angeles, California, USA sa bisperas ng State of the Nation Address ng Pangulo. | ulat ni Leo Sarne