Hinimok ni Bicol Saro party-list Rep. Brian Yamsuan ang PNP na palakasin ang kanilang training at continuing education program para sa kapulisan upang makasabay sa mas pinaigting na evidence gathering at case buildup sa bagong rules on criminal investigations ng Department of Justice (DOJ).
Giit ni Yamsuan ang hakbang na ito ng DOJ ay upang masiguro na maipapanalo ang mga ihahaing kaso.
Kaya para maisakatuparan ito ay kailangan na masiguro rin na ang PNP personnel ay ma-secure ang mga crime scene at sumunod sa police operational proceures.
“Since the DOJ’s updated criminal investigation guidelines now set a higher standard in determining the quantum of evidence needed to file cases, police officers should make sure that the evidence they have secured, gathered and processed are not excluded by the courts due to improper handling and other technicalities,” sabi ni Yamsuan.
Sabi pa niya na dapat ituon ng PNP ang pansin sa patuloy na edukasyon at training ng kapulisan para matiyak na alam at sinusunod nila ang police operational procedures at maging matagumpay ang DOJ sa pagpapatupad ng reporma.
Katunayan sa isang imbestigasyon nila sa House Committee on Public Order and Safety inamin ng isang pulis na team leader sa isang drug buybust na hindi sya sumailalim sa retraining o refresher course sa loob ng halos labing apat na taon.
Pinuri naman ni Yamsuan si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa pagpapatupad ng reporma sa justice system ng bansa.
Mismong si Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. ay tiwala na sa bagong criminal investigation procedure ng DOJ ay mapipigilan na ang paghahain ng mga harassment suits at mahinang kaso sa korte.
Tinukoy ni Yamsuan na batay sa datos ng DOJ noong 2023, aabot ng 80 percent ng mga kasong inihain ng prosekusyon ang nabasura dahil sa kakulangan sa documentation, mahinang ebidensya at mga teknikalidad.
Para sa taong 2024 pinaglaanan ng P1.26 billion ang education at training ng uniformed personnel ng PNP. | ulat ni Kathleen Forbes