Nanawagan si Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro sa Kongresso na amyendahan ang Espionage Law para maging epektibo hindi lang sa panahon ng giyera.
Ang pahayag ay ginawa ng kalihim kasabay ng pagbubukas ng 3rd regular session ng 19th Congress ngayong araw, sa gitna ng mga lumulutang na usapin tungkol sa umano’y presensya ng mga “sleeper agent” ng China sa bansa.
Matatandaang lumutang ang spekulasyon tungkol sa umanoy pagpapakalat ng China ng mga espiya sa bansa na nagpapanggap na studyante, turista at negosyante, sa gitna ng mga alegasyon sa Senado na ahente ng China na gumagamit ng pekeng pagkakilanlan si Bamban Mayor Alice Guo.
Ayon kay Teodoro mahalagang mag-ingat laban sa pang-eespiya ng ibang bansa, pero kailangan ng ebidensya para tukuyin ang isang indibidual bilang dayuhang ahente.
Ang problema aniya ay, ang mga kasalukuyang probisyon ng batas laban sa pang-eespiya, ay maari lang gamitin sa panahon ng giyera. | ulat ni Leo Sarne