Tiniyak ni Senate President Chiz Escudero na bubusiiin nilang maigi ang reciprocal access agreement (RAA) na pinirmahan ng Pilipinas at Japan.
Ayon kay Escudero, pag-aaralan nila ang kasunduang ito gaya ng ibang tratado na pinaparatipikahan ng ehekutibo sa Senado.
Matatandaang kinakailangang ratipikahan o sang ayunan ng Mataas na Kapulungan ang anumang kasunduan o tratadong papasukin ng ating bansa.
Samantala, naniniwala si Escudero na naaayon sa national interest ng Pilipinas ang RAA at ito aniya ang dapat na isa-alang alang, hindi ang magiging reaksyon ng iba pang bansa sa pinasok nating kasunduan kasama ang Japan.
Tugon ito ng Senate leader sa pangamba ng ilan sa posibleng maging reaksyon ng China sa RAA.
Giit ni Escudero, ang mahalaga ay pinapalakas natin ang kapasidad ng ating militar at ang ating pakikipag alyansa, para makapagbigay ng kinakailangang deterrence sa rehiyon. | ulat ni Nimfa Ausuncion