Idineklara ng Lokal na Pamahalaan ng Malabon ang State of Calamity sa buong lungsod matapos ang malawakang pagbaha na dulot ng bagyong Carina.
Pinangunahan ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang Malabon Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) Meeting ngayong araw kasama ang iba pang kawani ng pamahalaang lungsod upang talakayin ang mga hakbang sa pagtugon sa krisis.
Sa ilalim ng MDRRMC Resolution No. 004 series of 2024, pormal nang idineklara ang State of Calamity dahil sa malaking pinsala na iniwan ng bagyo.
Ayon kay Mayor Sandoval, patuloy ang serbisyo ng Malabon LGU sa mga apektadong residente, gayundin ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para makapaghatid ng kinakailangang tulong at serbisyo.
Nanawagan din ang alkalde sa mga residente na manatiling mapagmatiyag at sumunod sa mga anunsiyo at babala mula sa lokal na pamahalaan. | ulat ni Diane Lear