Muling tiniyak ni US Secretary of Defense Lloyd Austin ang “iron clad” na suporta ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Ito’y sa pag-uusap sa telepono ni Sec. Austin at Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro kahapon.
Tinalakay sa paguusap ng dalawang opisyal ang kahalagahan na mapanatili ang karapatan ng lahat ng bansa na maglayag, lumipad at mag-operate nang ligtas at responsable na naaayon sa international law.
Malugod namang tinanggap ng dalawang opisyal ang madalas na komunikasyon bilang bahagi ng kanilang pangakong pagtibayin ang alyasa ng Estados Unidos at Pilipinas upang itaguyod ang isang malaya at bukas na Indo-pacific region. | ulat ni Leo Sarne