Target ng PNP na makaresponde ang pulisya sa mga tawag sa loob ng tatlong minuto sa pamamagitan ng kanilang bagong e911 service.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil sa demonstrasyon ng bagong serbisyo kasama si Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. sa Camp Crame kaninang umaga.
Sa PNP Command Center, ipinakita nina PNP Chief at ibang opisyal ng PNP, ang ginagawang pagtugon ng mga pulis sa itinawag sa kanilang insidente.
Gamit ang malalaking screen, naipamalas kung paano sumagot ang mga pulis sa tawag, tukuyin ang lugar ng insidente at kung paano sila mag-deploy ng mga responder.
Sa simulation ng isang “robbery” sa Quezon City, wala pang isang minuto ay nakaresponde agad ang mga pulis.
Ito’y naging posible dahil sa ginamit na makabagong teknolohiya mula sa US 911 service na may precise caller location services, advanced mapping at incident management systems, data analytics at integration ng body at vehicle cameras para sa pagtugon sa mga emergency. | ulat ni Leo Sarne