Maliban sa programa at serbisyo ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, dagdag benepisyo ang natanggap ng mga Batangueño mula sa target sectors sa paglulunsad ng SIBOL, CARD at ISIP program.
Nasa 9,000 benepisyaryo ng naturang mga programa ang nakatanggap ng tulong pinansyal at pabigas.
Abot sa 3,000 na CARD beneficiaries ang pinagkalooban ng tig-P5,000 sa pamamagitan ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng DSWD at 20 kilo ng bigas.
Para naman sa ISIP, 3,000 mag aaral ang nakatanggap ng P5,000 at limang kilong bugas.
Maliban dito makakatanggap din sila ng P5,000 kada anim na buwan para sa tuition at iba pang gastusin maliban pa sa scholarship na P15,000 sa ilalim ng Tulong Dunong Program ng CHED.
Ang SIBOL program naman na tumutulong sa mga nagsisimula at maliliit na negosyo ay nabigyan ng limang kilong bigas at P5,000.
Giit ni Speaker Martin Romualdez na nanguna sa pagpapaabot ng tulong, na lahat ng ito ay katuparan ng pagnanais ni Pangulong Marcos na matulungan ang lahat ng nangangailangan.
Paalala niya na ang pagpapaabot ng tulong na ito ay magreresulta sa pag ahon ng mga Pilipino na may ambag sa paglago ng ekonomiya ng bansa.| ulat ni Kathleen Forbes