Inanunsyo ng Philippine National Police-Civil Security Group (PNP-CSG) na exempted na sa pagkuha ng iba’t ibang test ang mga aktibong miyembro ng pulisya at militar sa pagkuha ng lisensya ng baril.
Ito’y ayon sa CSG ay kasunod na rin ng kautusan ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil na hindi na kailangan pang kumuha ng drug, psychological at psychiatric tests ang mga ito.
Ayon kay PNP CSG Spokesperson, Police Lieutenant Colonel Eudisan Gultiano, salig sa kautusan ng PNP Chief, pinabago nito ang proseso sa aplikasyon sa pagkuha ng lisensya.
Giit nito, mayroon na kasing kasanayan ang mga pulis at sundalo sa paghawak ng baril kaya’t sapat na ang mga naunang test na kanilang kinuha kaugnay sa kanilang serbisyo.
Pero paglilinaw naman ni Gultiano, na hindi sakop sa bagong kautusan ang iba pang law enforcement agencies tulad ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine Coast Guard (PCG). | ulat ni Jaymark Dagala