Nagpahayag ng kumpiyansa ang Armed Forces of the Philippines sa kanilang kapabilidad na ipagtanggol ang maritime at air domain ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ito ang sinabi ni Philippine Navy Spokesperson Rear Admiral Roy Vincent Trinidad kasunod ng ginawang pagpapakawala ng flares ng mga eroplano ng China malapit sa eroplano ng Philippine Air Force na nagpapatrolya sa bisinidad ng Bajo de Masinloc noong Agosto 8.
Sa pulong balitaan sa Camp Aguinaldo sinabi ni Trinidad na ang insidenteng ito ay hindi magpapatinag sa mga piloto ng Philippine Air Force sa pagganap ng kanilang mandato na magsagawa ng maritime air surveillance flights.
Ayon kay Trinidad, mismong si Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang nagsabi na mayroon ngang lakas at “brute force” ang People’s Liberation Army Air Force, pero wala silang paggalang sa international law.
Ayon kay Trinidad, sa mga ganitong situasyon, mas importante ang “Will to fight” kaysa sa tapatan ng eroplano sa eroplano o barko sa barko.
Binigyang diin ni Trinidad na ang naging epekto lang ng ginawa ng China ay lalong pasidhiin ang pagmamahal sa bayan ng bawat tauhan ang AFP, at palakasin ang kanilang determinsasyon na ipagtanggol ang pambansang teritoryo. | ulat ni Leo Sarne