Nakabantay ang Air Unit ng Philippine National Police (PNP) sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Compound sa Davao upang hindi makatakas si Pastor Apollo Quiboloy, na pinaniniwalaang nasa loob ng compound kasama ang iba pang pinaghahanap ng batas.
Ito ang inihayag ni Police Regional Office (PRO) 11 Regional Director Police Brigadier General Nicolas Torre III sa ambush interview sa Camp Crame, kaninang umaga.
Ayon kay Torre, may private taxiway papunta sa Davao International Airport ang KOJC Compound at may sariling hangar na may apat na helicopter at dalawang eroplano.
Sinabi ni Torre, na bagamat sinuspindi na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang lisensya para makalipad, nakitang lumilipad ang helicopter dalawang linggo na ang nakaraan na ipinaliwanag ng kampo ni Quiboloy na pag warm-up lang ng makina.
Babala ni Torre, armado ang PNP Air unit na nagbabantay ngayon sa lugar at bahala si Quiboloy kung gusto niyang subukan ang kapangyarihan ng gobyerno. | ulat ni Leo Sarne