Abiso sa mga motorista! Isasara ng Department of Public Works and Highways—South Manila District Engineering Office (DPWH-SMDEO) ang middle lane ng EDSA Southbound para sa pagsasaayos ng kalsada na nagsimula alas-10:00 kagabi, August 2, hanggang August 5, alas-5:00 ng umaga.
Sakop ng pagsasara ang Southbound na bahagi ng EDSA, mula E. Rodriguez Extension hanggang L. Woods Street, habang isinasagawa ang road rectification activities upang i-upgrade ang mga nasirang bahagi ng kalsada.
Inaasahan naman ang pagbagal ng trapiko sa nasabing lugar kaya hinihikayat ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta at planuhin nang maaga ang kanilang ruta gayundin ang pagiging updated sa mga traffic advisories upang mabawasan ang abala habang isinasagawa ang mga pagsasaayos.
Ayon sa DPWH-NCR, ang nasabing proyekto ay bahagi ng kanilang patuloy na pagtutok sa pagpapabuti ng kaligtasan at kahusayan ng mga kalsada sa rehiyon ng Metro Manila. | ulat ni EJ Lazaro