Ibinahagi ng Department of Finance (DOF) ang kanilang BRAVE strategy na naglalayong labanan ang smuggling at ilegal na kalakalan sa Pilipinas kung saan may malaking papel na ginagampanan ang digitalization.
Sa naganap na National Anti-Illicit Trade Summit na dinaluhan ni DOF Revenue Operations Group Undersecretary Charlito Mendoza, ibinahagi nito ang mga inisyatiba na naglalayong pahusayin ang efficiency, transparency, at accountability.
Kinabibilangan ang BRAVE framework ng mga sumusunod:
B-Border Security Enhancement, na gagamit ng mga digital system para sa pre-border at cross-border verification upang protektahan ang mga mamimili mula sa mga mapanganib na import.
R-Revenue Collection and Revenue-Base Protection, na kinabibilangan ng mga hakbang tulad ng Ease of Paying Taxes (EOPT) Law na nagpapadali ng pagsunod sa pagbabayad ng buwis at nagpapalakas ng kita.
A-Adaptive Regulations and Compliance Monitoring, na nakatuon sa napapanahong regulasyon para sa excise taxation at customs duties, lalo na sa digital marketplace.
V-Vigilant Enforcement Operations, kung saan patuloy ang Bureau of Customs (BOC) sa pagsamsam ng bilyon-bilyong halaga ng mga pekeng produkto at iligal na droga gamit ang Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS). Gayundin ang inisiyatiba ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na Run After Fake Transactions (RAFT) na gumagamit ng advanced mathematical modelling para bumuo ng proprietary risk-assessment system para matukoy ang mga nagbebenta at bumibili ng mga ghost receipt.
E-Effective Engagement with Stakeholders, na nagpapalakas ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya at konsultasyon upang mapabuti ang mga proseso ng mga regulasyon.
Sinasabing pinangungunahan din ni Finance Secretary Ralph Recto ang mga pagsisikap upang isagawa ang mga estratehiyang ito para protektahan ang merkado ng bansa at tiyakin ang patas na kalakalan.
Hinimok naman ni Mendoza ang kooperasyon sa pagitan ng gobyerno at iba’t ibang industry partners upang masiguro ang magandang kinabukasan ng ekonomiya ng bansa.| ulat ni EJ Lazaro