Patuloy ang isinasagawang clean-up operations sa mga lugar sa Marikina City na labis na naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Carina.
Sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro, puspusan ang pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina kasama ang Joint Task Force NCR ng Philippine Navy upang maibalik sa normal ang mga lugar na lubog pa rin sa putik at basura.
Kabilang sa mga nilinis ang Brgy. Tumana na isa sa mga barangay na matinding sinalanta ng baha. Gamit ang mga heavy equipment tulad ng skid loader, payloader, at dump trucks, walang tigil sa paghakot ng mga basura at paglilinis ng mga kalsada.
Ayon kay Mayor Teodoro, mahalaga ang tamang paggamit ng mga heavy equipment at ang pagkakaroon ng sapat na kasanayan ng mga operator upang mas maging mabilis ang paglilinis.
Layon ng walang humpay na clean-up drive na ito na maibalik sa lalong madaling panahon ang normal na pamumuhay ng mga residente at maisaayos ang mga nasirang imprastraktura dulot ng bagyo. | ulat ni Diane Lear