Hawak nang muli ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo.
Ito’y makaraang arestuhin si Baldo makaraang ibasura ng Korte ang apela nito sa kaso ng pagpatay kay AKO BICOL Party-list Representative Rodel Batocabe gayundin kay Police SMSgt. Orlando Diaz noong Disyembre 2018.
Ayon kay CIDG Director, PMGen. Leo Francisco, alas-12:45 ng madaling araw nang maaresto ng kanilang mga tauhan si Baldo sa bisa ng Warrant of Arrest.
Una nang nakapagpiyansa si Baldo matapos nitong maghain ng apela hinggil sa naturang kaso subalit hindi ito pinagbigyan
Paliwanag ni Francisco, hindi na tinantanan ng kanilang mga tauhan si Baldo gayundin ang limang kapwa akusado nito mula nang paganahin ang Special Investigation Task Group (SITG) BATOCABE.
Tiniyak naman ng CIDG na maayos at lehitimo ang operasyon dahil suot ng kanilang pulis ang PNP issued bodyworn cameras sa pag-aresto. | ulat ni Jaymark Dagala