Nagpasalamat ang koalisyon ng transport group na Magnificent 7 kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa desisyon nitong ipagpatuloy ang Public Transport Modernization Program (PTMP).
Kasunod ito ng pahayag ng Pangulo na dapat pakinggan ang 80% na nag-consolidate at sumuporta sa pagsusulong ng PUV modernization program.
Ayon kay Magnificent 7 Spokesperson at PASANG MASDA Pres. Ka- Obet Martin, nabunutan sila ng tinik ng ipahayag ng Pangulo ang kanyang patuloy na suporta sa mayorya ng mga transport group na sumunod na sa modernisasyon.
Bukod sa Pangulo, nagpasalamat din ang grupo kay Transportation Sec. Jaime Bautista gayundin sa libu libong nakiisa sa Unity Walk na kanilang ikinasa noong lunes.
Muli nitong iginiit na hindi solusyon ang pagsuspindi sa PUV modernization program at dapat ay ituloy ang programa habang pinag-uusapan ang problema.
Kasunod nito, hiniling ng grupo sa Pangulo na magkaroon ng Nationwide Public Consultation sa kanilang hanay para mapag-usapan ang resolusyon sa senado. | ulat ni Merry Ann Bastasa