Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na handa itong maglaan din ng financial assistance sa mga mangingisdang apektado ng oil spill mula sa lumubog na oil tanker na MT Terra Nova sa karagatang bahagi ng Limay, Bataan.
Sa DSWD Media Forum, sinabi ni Assistant Bureau Director for Policy and Administration at Concurrent OIC ng Crisis Intervention Division Edwin Morata na nakikipag-ugnayan na ngayon ang field offices ng kagawaran sa mga apektadong LGUs para matukoy ang listahan ng mga mangingisdang mangangailangan ng tulong.
Partikular na kumikilos na aniya ang mga field office sa Central Luzon at sa CALABARZON region.
Paliwanag nito, maaaring maalalayan ang mga apektadong mangingisda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) o di kaya ay sa programang Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP na ibinibigay sa low income workers gaya ng mga mangingisda.
Sa ilalim nito, nasa P1,000 hanggang P10,000 ang cash assistance na maaaring ilaan ng DSWD sa bawat apektadong mangingisda na dedepende aniya sa magiging assessment ng kanilang mga social worker. | ulat ni Merry Ann Bastasa