Malugod na tinanggap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang hakbang ng Philippine National Police (PNP) na nagbigay ng exemption sa mga sundalo sa drug at neuro test para sa pagkuha at pag-renew ng permit at lisensya ng baril.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, malaking tulong ang exemption para sa mga sundalo na hindi basta-basta maiwanan ang kanilang pwesto.
Dagdag ni Padilla, ang psych at neuro test ng PNP ay “redundant” dahil inuulit lang nito ang parehong test na ginagawa sa mga sundalo kada taon.
Ganito rin ang sentimyento ni Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala na nagsabing obligado ang drug at neuro test para sa mga sundalong sumasalang sa promosyon.
Ang pahayag ay ginawa ng mga opisyal ng militar kasunod ng paganunsyo ng PNP na mahigit 14-libong sundalo ang paso na ang License to Own and Possess Firearms (LTOPF). | ulat ni Leo Sarne