Iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) kung “friendly fire” ang naging sanhi ng pagkamatay ng isang pulis sa rescue operation na nauwi sa barilan noong Agosto 3 sa Angeles City, Pampanga.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo na nakausap na PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang nagluluksang pamilya ng nasawing pulis na si PSSgt Nelson Santiago.
Mismo aniyang si Gen. Marbil ang nangako sa pamilya na mananagot ang sinumang napatunayang responsable sa pagkamatay ni PSSgt. Santiago.
Matatandaang nasawi si PSSgt Santiago at sugatan ang isa pang pulis na si PCMSgt. Eden Accad nang magkaroon ng barilan sa operasyon ng PNP Anti-Kidnapping Group sa koordinasyon ng Chinese Police Attache, para iligtas ang dalawang Chinese na babae na dinukot ng dalawa ding Chinese na lalaki.
Sa nabanggit na operasyon, naligtas ang dalawang biktimang sina Zhou Lin at Zhou Jiangxiang; at naaresto ang mga suspek na sina Hu Kai at Ryu Don. | ulat ni Leo Sarne