Kapwa naniniwala si Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na possibleng masundan pa ang huling panghaharass ng China sa Philippine Air Force (PAF) sa Bajo de Masinloc.
Ang pahayag ay ginawa ng dalawang opisyal sa isang ambush interview sa Camp Aguinaldo kaugnay ng insidente noong Agosto 8 sa Bajo de Masinloc sa West Phil. Sea, kung saan nagpakawala ng mga flare ang mga eroplano ng People’s Liberation Army (PLA) Air Force sa dadaanan ng eroplano ng PAF na nagpapatrolya sa lugar.
Ayon kay Gen. Brawner bagamat dati nang gumagawa ng mapanganib na pagkilos ang mga eroplano ng China sa himpapawid, ito ang unang pagkakataon na gumamit sila ng flares laban sa eroplano ng Pilipinas.
Paliwanag ni Brawner, ang flares ay kalimitang ginagamit lamang na pang-depensa sa missile attack.
Giit ni Brawner, delikado ang ginawa ng eroplano ng China, bukod pa sa ilegal na presensya nito sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas. | ulat ni Leo Sarne