May kabuuang P591.8 billion na pondong inilaan para sa mga ayuda program ng pamahalaan sa ilalim ng panukalang 2025 national budget.
Sa briefing ng DBCC sa senado, sinabi ni budget Secretary Amenah Pangandaman na pinakamalaking alokasyon sa mga ayuda program ang napunta sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na may pondong P114.2 billion.
May mga nakalaan ring pondo para sa Assistance in Crisis Situation (AICS), TUPAD (Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers), free tertiary education, at Sustainable Livelihood Program (SLP).
Nilinaw naman ng DBM na walang alokasyon para sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa 2025 national budget dahil walang request na pondo ang DSWD para dito.
Kaugnay nito, pinunto ni Senate Minority leader Koko Pimentel na wala ring request para sa AKAP noong binubuo nila ang 2024 budget pero naipasok pa rin ito sa pinal na bersyon ng pambansang pondo.
Dahil dito, tiniyak ni Senate Finance Committee chairpeson Senadora Grace Poe na walang magiging ganitong insertion sa Bicameral Conference Committee Level at kung ano lang ang maaaprubahan ang siyang maisasama sa magiging pinal na bersyon ng pambansang pondo para sa susunod na taon.| ulat ni Nimfa Asuncion