Nasa kustodiya na ng Zamboanga City Police Office ang isang high value individual (HVI) makaraang maaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Drug Enforcement Group (PDEG).
Kasunod ito ng ikinasang drug buy-bust operations ng PDEG katuwang ang iba pang unit ng Pulisya sa Brgy. San Jose Gusu, Zamboanga City kaninang hatinggabi.
Nasabat ng mga operatiba ng PDEG ang aabot sa dalawang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng 13.6 milyong piso batay sa pagtaya ng Dangerous Drugs Board (DDB).
Ayon kay PDEG Director, Police Brig. Gen. Eleazar Matta, malaking bagay ang pakaka-aresto sa naturang HVI upang maiwasan ang pagkalat ng iligal na droga.
Dinala na sa Special Operations Unit 9 ng PDEG ang mga nasabat na iligal na droga habang nahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang naarestong drug suspect. | ulat ni Jaymark Dagala