Possibleng maisampa sa Lunes ang mga panibagong reklamo laban kay Yuhang Liu, ang arestadong Chinese na pinaghihinalaang espiya.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Police Maj. General Leo Francisco, kabilang sa mga panibagong kaso ang Illegal Interception and misuse of device na paglabag sa Cybercrime prevention act of 2012.
Base ito sa libo-libong kahinahinalang larawan, video, audio, applications, data base, call logs, at iba pang file documents na nakuha sa Chinese suspek.
Hindi muna nagbigay ng mga karagdagang detalye sa MGen. Francisco ukol sa inilabas na report ng digital forensic examination na ginawa ng Anti-Cybercrime Group, dahil magkakaroon pa aniya ng panibagong pagsusuri sa mga narekober na gamit ng suspek.
Matatandaang una nang sinampahan ng CIDG ng reklamong grave threat at illegal possesion of firearms ang Chinese dahil sa panunutok nito ng baril nang maaresto. | ulat ni Leo Sarne