Nakahigop na ng 42,000 liters ng langis ang contracted salvor na Harbor Star sa lumubog na MT Terra Nova sa Bataan matapos mailagay ang bagong booster pump kahapon.
Ayon sa Philippine Coast Guard, mas mabilis ang ginagawang paghigop ng langis dahil sa mga karagdagang booster pump na inilalagay.
Ang kasalukuyang Buster 4 mula sa International Tanker Owners Pollution Federation Limited ay nailagay na rin para sa pagkuha naman ng oil waste.
Nagsagawa naman ng drone aerial surveillance ang BRP Sindangan ng PCG para mamonitor ang ongoing activities sa ground zero ng pinaglubugan ng barko.
Samantala, sa MTKR Jason Bradley naman, nagpapatuloy ang ginagawang pumping ng kinontratang salvor na FES Challenger.
Ito ay bilang paghahanda sa refloating o pagpapalutang ng nasabing barko.
Sa MV Mirola 1 naman, tuloy ang ang patching ng contracted salvor na Morning Star bilang paghahanda rin upang ito ay mapalutang.
Nagsagawa naman ng shoreline patrolling ang PCG sa Sitio Bagong Sibol at Sitio Quiapo sa Mariveles Bataan pero wala ng nakitang oil spill. | ulat ni Michael Rogas