Inanunsyo ni Makati Mayor Abby Binay na sisimulan na nila ang shingles vaccination drive na libreng isasagawa ng lokal na pamahalaan.
Layon aniya nito na maprotektahan ang mga immunocompromised at senior Makatizens.
Ayon kay Binay, mahalagang bahagi ang nasabing vaccine drive para sa kanilang tuloy-tuloy na hakbang na matiyak ang kaligtasan at maayos na kalusugan ng kanilang mga residente.
Sa pagprotekta aniya sa kalusugan ng kanilang vulnerable residents laban sa shingles, ay hakbang para sa mas malusog, mas protektado, at mas matibay na komunidad.
Sa ngayon, tanging ang Makati LGU sa buong bansa ang magbibigay ng libreng shingles vaccine.
Inatasan din ni Binay ang Makati Health Department (MHD) vaccination teams na magsagawa ng house-to-house visits sa iba’t ibang barangay para isagawa ang unang dose ng bakuna.
Inaasahang nasa halos 12,000 pre-registered residents ang makakatanggap ng Shingrix vaccine.
Ang Shingles ay isang viral infection na nagsimula sa varicella-zoster virus, kaparehong dahilan na nagdudulot ng chickenpox o bulutong.
Ayon sa Makati LGU, bagamat hindi nakakamatay ay nakakapagbigay naman anila ito ng sobrang pananakit at discomfort sa mga biktima nito. | ulat ni Lorenz Tanjoco