Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang patuloy nitong suporta sa mga mamamahayag sa pagtataguyod ng katotohanan.
Ito ang binigyang diin ni PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil nang pasinayaan nito ang bagong tanggapan ng PNP Press Corps sa Kampo Crame ngayong umaga.
Sa kaniyang talumpati, nagpasalamat ang PNP Chief sa mahalagang papel na ginagampanan ng media sa panahong ito na laganap ang disinformation, misinformation at fake news.
Kasunod nito, kinilala rin ni Marbil ang hindi matatawarang pagtutulungan ng Pulisya at mga mamamahayag upang iparating ang mga mahahalaga at tamang balita sa publiko nang may integridad.
Ang Integridad na ring ito ang nais itanim ng PNP Chief sa mga Pulis ngayong ipinatutupad nito ang malawakang reporma sa kanilang hanay.
Aniya, tapos na ang panahong nagsisilbing alalay ang mga Pulis ng ilang mga personalidad at sa halip ay magsilbi silang takbuhan ng publiko sa panahon na higit silang kinakailangan. | ulat ni Jaymark Dagala