Tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nakatutok ito sa pagpapaigting ng seguridad sa lahat ng mga istasyon ng tren sa Metro Manila.
Kasunod ito ng napaulat na higit sa 80 krimen na naitala sa mga tren gaya ng MRT at LRT mula 2023 hanggang 2024.
Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas Media Forum, sinabi ni NCRPO Regional Dir. PMGen. Jose Melencio Nartatez na vinavalidate na nila ang datos na ito.
Kabilang naman sa mga kasong tinututukan ng NCRPO ang mga bomb threat gayundin ang mga insidente ng sexual harrassment at pandurukot sa loob ng mga tren.
Paliwanag ni Gen. Nartatez, proactive naman ang mga pulis sa NCRPO na matagal nang pinaigting ang presensya sa mga istasyon ng tren at may mga marshall pang sumasakay para masiguro ang kaligtasan ng mga commuter.
Tuloy tuloy rin aniya ang koordinasyon ng NCRPO sa mga pamunuan ng tren at handang tumugon kung mangangailangan pa ng dagdag na deployment. | ulat ni Merry Ann Bastasa