Inaresto ng PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP) at ng Barbosa Police Station ng Manila Police District, ang isang papasok na pasahero mula sa Narita, Japan, pagdating sa Ninoy Aquino international Airport (NAIA) Terminal 3.
Ayon sa Avsegroup, ang pasaherong residente ng Alfonso, Cavite ay pinaghahanap simula noong Enero 16, 2020 sa bisa ng warrant na inilabas ng Regional Trial Court, First Judicial Region, Branch 43 sa Dagupan City.
Nag-ugat ang pag-aresto sa suspect dahil sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9262, na kilala bilang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Barbosa Police Station 14, kung saan sumasailalim ito sa karagdagang dokumentasyon at legal na pagproseso.
Nasa 24,000 naman ang inirekomendang piyansa ng korte para sa pansamantalang kalayaan ng naturang akusado. | ulat ni Lorenz Tanjoco