Nagpahayag ng saloobin si Marikina City Mayor Marcy Teodoro kaugnay sa reklamong isinampa laban sa kaniya sa Office of the Ombudsman.
Ayon kay Mayor Teodoro, ang reklamong ito ay tila bahagi ng isang mas malawak na plano upang siraan at guluhin ang mga alkalde na miyembro ng Mayors for Good Governance (M4GG).
Iginiit niya na hindi lamang siya ang nakararanas nito, kundi pati na rin sina Mayor Benjie Magalong ng Baguio, Mayor Jerry Treñas ng Iloilo, at Mayor Vico Sotto ng Pasig.
Kapansin-pansin din aniya ang tiyempo ng pagsasampa ng kaso, na kasabay ng nalalapit na paghahain ng kandidatura para sa susunod na halalan.
Nilinaw ng alkalde na ang pondo ng PhilHealth na tinutukoy sa reklamo, na siyang ibinalik noong panahon ng pandemya, ay buo at maayos na naiulat batay sa mga nakaraang audit.
Kaugnay nito, nanawagan si Mayor Teodoro ng isang patas at walang kinikilingang imbestigasyon upang malinawan ang lahat. | ulat ni Diane Lear