Nahaharap ngayon sa paglabag sa Republic Act 9711, o ang Food and Drug Administration (FDA) Act of 2009, ang mga suspek sa pagbebenta ng unregistered food products partikular ang luncheon meat.
Kinilala ang mga nasabing suspek na sina alyas Angelica, 29, business owner; alyas Kristine, 44, cashier/secretary; alyas Mhar, 33, warehouseman; at alyas Joey, 41, warehouseman.
Kasalukuyan namang tinutugis pa sina alyas Jinky, alyas Harry, at alyas Insu na kapwa subject sa isang follow-up operation
Matatandaang sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Presiding Judge Mariam Bien ng Taguig Regional Trial Court Branch 153, nagsagawa ang mga awtoridad ng operasyon sa isang warehouse sa loob ng Veterans Center sa Taguig na sinasabing nagbebenta ng unregistered food products.
Pinangunahan ng Southern Police District’s Special Operations Unit ang operasyon katuwang ang District Intelligence Division, National Intelligence Support Group – National Capital Region at Taguig Police’s Substation 2.
Kasama din sa nasabing operasyon ang mga kinatawan mula sa Food and Drug Administration’s Field Regulatory Operations Office at Regulatory Enforcement Unit.
Sa nasabing operasyon, nasabat ng mga awtoridad ang 1,355 kahon ng unregistered luncheon meat na may tinatayang market price na P3.25-M, marked money at sales receipts. | ulat ni Lorenz Tanjoco
📷 SPD