Tinalakay ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año at U.S. National Security Adviser Jake Sullivan ang kasalukuyang maritime security situation sa rehiyon sa paguusap sa telepono kahapon.
Dito’y napag-usapan ng dalawang opisyal ang nakaraang insidente ng agresibong aksyon ng People’s Liberation Army Air Force (PLAAF) laban sa eroplano ng Philippine Air Force (PAF) na nagsasagawa ng maritime security operation sa Bajo de Masinloc.
Gayundin, ang huling insidente ng pagbangga ng Chinese Coast Guard sa dalawang barko ng Phil. Coast Guard na patungo sa Patag island at Lawak island sa West Phil. Sea (WPS).
Binigyang diin ni Sec. Año ang hindi matatawarang karapatan ng Pilipinas sa WPS, base sa international law, partikular ang United Nations Convention on the Law of the Seas at 2016 Arbitral Award, kasabay ng pagpapasalamat sa Estados Unidos sa kanilang walang-sawang suporta.
Pinuri naman ni Sullivan ang pagpapalawak ng maritime cooperative activity ng Pilipinas sa mga “Like-minded” na bansa.
Kapwa naman inaasahan ng dalawang opisyal ang implementasyon ng mga “strategic priority” para mapabilis ang pag-unlad at modernisasyon ng alyansa ng dalawang bansa. | ulat ni Leo Sarne