Pinaniniwalaang nabuwag na ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang grupo ng mga holdaper na responsable sa serye ng robbery/hold-ups sa mga 7-Eleven convenience stores sa Quezon City.
Ito’y matapos mahuli na ang tatlong miyembro ng Niepes Robbery Group na nagtangka na namang mang-holdap ng convienence store sa Quezon City.
Naispatan sila ng pulisya na paikot-ikot malapit sa isang 7-Eleven store sa kahabaan ng Chuatoco Street, Cor. Champaca St., Barangay Roxas sakay ng isang Toyota Fortuner na may plate number na AHJ-471.
Kinilala ang mga nahuli na sina Gary Caguioa, ng Quiapo, Manila; Norman Belen, ng Sampaloc, Manila; at Joshua Niepes, ng Calumpit, Bulacan.
Ayon kay District Special Operations Unit PMajor Wilfredo Taran Jr. nakuha sa kanila ang tatlong maiiksing baril, mga bala, tatlong granada, dalawang 7-Eleven uniforms, isang sledgehammer, crowbar, chisel, improvised flat tool, improvised plate numbers, at ang Toyota Fortuner.
Batay sa imbestigasyon, ang grupo ang responsable sa serye ng mga pagnanakaw sa A. Bonifacio Avenue malapit sa kanto ng 7th Avenue, Brgy. Pag-ibig sa Nayon, Quezon City noong Hulyo 7; sa G. Araneta Avenue, Brgy. Doña Imelda, Quezon City noong Agosto 8; at sa Brgy. Molino 3, Bacoor City noong Agosto 11.
Sa kabuuan, nakakuha ang grupo ng kabuuang halagang ₱520,000 o higit kalahating milyong piso.
Bukod sa kanilang operasyon sa Quezon City at Valenzuela City, sangkot din ang grupo sa mga robbery hold-ups sa Central Luzon partikular sa Bulacan, at Pampanga at maging sa Laguna at Rizal at CALABARZON Region. | ulat ni Rey Ferrer