Nakuha ng mga kalahaok mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Region XI ang korona ng katatapos lang na 2024 Philippine National Skills Competition (PNSC).
Ayon sa TESDA, iprinoklamang overall champion ang Region XI matapos makakuha ng limang gold, tatlong silver, at dalawang bronze medals.
Nakuha naman ng National Capital Region (NCR) ang first runner-up na may limang gold, tatlong silver, and isang bronze medals, habang Region IV-A naman ang tinanghal na second runner-up dahil sa apat na gold, tatlong silver, at dalawang bronze medals.
Ayon sa TESDA, nasa 200 competitors mula sa 17 rehiyon sa buong bansa ang naglaban-laban sa 25 skill areas sa loob ng tatlong araw na kompetisyon na ginawa sa World Trade Center sa Metro Manila noong August 22-24.
Maliban sa mga medalya ay nag-uwi rin ng cash prizes ang mga nagwagi na nagkakahalaga ng ₱15,000, ₱20,000, at ₱30,000.
Maliban dito, ang mga nakapag-uwi naman ng gold medal sa 2024 PNSC ang siyang nanalo ng tyansa na mairepresenta ang bansa sa World Skills ASEAN Competition na iho-host ng Pilipinas sa 2025.
Ayon kay TESDA Dir. Gen. Jose Francisco “Kiko” B. Benitez, mahalaga ang skills development para sa ikauunlad ng bansa.
Paliwanag ni Benitez na ang Filipino professionals ay katangi-tangi at nakatitiyak na nasa mabuting kamay ang kinabukasan ng Pilipinas.
Kamay na aniya’y kayang gumawa, mag-innovate, at solusyunan ang mga hamon ng bukas. | ulat ni Lorenz Tanjoco