Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) na mapapatawan ng kaparusahan ang sino mang indibidwal na posibleng sangkot sa pagtulong kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na makalabas ng Pilipinas para takasan ang mga reklamong kinahaharap nito sa bansa, kaugnay sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) at maging sa kaniyang tunay na pagkakakilanlan.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo, dapat na mapanagot sa batas ang sino mang tumulong na makalabas ng bansa si Guo.
Aniya, maaaring maharap sa kaukulang kriminal at administratibong kaso ang sino mang mapapatunayang tumulong kay Guo kung meron man.
Samantala, sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang PNP sa kanilang mga counterpart sa ibang bansa kaugnay ng pagtugis kay Guo, na pinaniniwalaang nakalabas ng Pilipinas sa pamamagitan ng “back door” o hindi pagdaan sa regular na proseso ng imigrasyon. | ulat ni Leo Sarne