Tiniyak ng National Bureau of Investigation (NBI) katuwang ang Department of Justice (DOJ), at Bureau of Immigration (BI) na ginagawa nila ang lahat para matunton at mahuli si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng tatlong ahensya sa kinaroroonan ngayon ni Guo.
Siniguro rin ni Santiago, na magiging transparent sa imbestigasyon at tatalima sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na maparusahan ang sinumang mapatutunayang nagkasala sa pagpapatakas sa bansa kay Guo at kaniyang pamilya.
Samantala, sinabi naman ni Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco, na maituturing na breakthrough sa imbestigasyon ang pagkakaaresto sa kapatid nitong si Shiela Guo at kay Cassandra Li Ong.
Makatutulong aniya ito sa kanilang operasyon para mahuli pa ang ibang pugante.
Nang matanong naman si Tansingco kung kumpiyansa itong mahuhuli na nila si Guo, muli nitong iginiit na ginagawa nila ang lahat para maibalik sa bansa ang dating alkalde. | ulat ni Diane Lear