Maaari nang muling makapalaot at makapaghanap-buhay ang mga mangingisda sa Cavite, na una nang naapektuhan ng oil spill mula sa fuel tanker MT Terranova na lumubog sa Limay, Bataan, noong kasagsagan ng bagyong Carina.
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., mismong si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel ang nagkumpirma na wala ng oil spill sa Cavite.
“Wala ng oil spill. Puwede nang ituloy ang inyong hanapbuhay. Asahan po ninyo na ang pamahalaan ay gumagawa ng mga hakbang upang [maibsan] ang pinsala na naidulot ng mga insidenteng kagaya nito.” —Pangulong Marcos Jr.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa aniya ang imbestigasyon kaugnay sa paglubog ng fuel tanker upang mapapanagot ang mga mapapatunayang nagkulang.
“Sa ngayon, iniimbestigahan na natin ang paglubog ng mga barko upang makakalap tayo ng sapat na impormasyon at mapanagot ang mga nagkasala ayon sa batas. Titiyakin din natin na makakatanggap ng karampatang kompensasyon ang mga naapektuhang mamamayan.” —Pangulong Marcos
Ngayong araw, pinangunahan ng Pangulo ang pamamahagi ng iba’t ibang government assistance para sa mga mangingisda at pamilyang naapektuhan ng oil spill kabilang na dito ang financial assistance na P161.5 million.
“Mga kababayan, kasabay ng pagbibigay namin ng tulong sa mga komunidad, asahan din po ninyo na patuloy ang inyong pamahalaan sa paghahanap ng solusyon sa mga problemang dinulot ng pangyayaring ito. Nagsisikap din kami na bigyan kayo ng panibagong lakas at pag-asa upang malampasan ang dagok na ito, matugunan [ang pangangailangan] ng nakakaraming Pilipino, at mapalakas muli ang industriya ng pangingisda sa Cavite.” —Pangulong Marcos | ulat ni Racquel Bayan