Naglabas ng direktiba si PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil na nagpaparepaso sa dating “Oplan double barrel” para tumugma sa “recalibrated” na kampanya laban sa ilegal na droga.
Sa isang pahayag ngayong araw, sinabi ni Marbil na ang comprehensive review sa Oplan Double Barrel ay para matukoy ang lakas at kahinaan nito at malaman kung naging epektibo nga ba ito base sa mga nakalipas na operasyon.
Paliwanag pa ng PNP Chief, ang kautusan ay para sa pagpapaigting ng kanilang recalibrated anti-illegal drugs campaign na mas makatao.
Kaugnay nito, inanunsyo rin ni Marbil ang pagbuo ng review panel na magsasagawa ng assessment sa Double Barrel.
Pangungunahan ito ng Office of the Deputy Chief, PNP for Operations at may mga kinatawan ng PNP Quad Staff, kasama ang Operations, Investigation, Intelligence, at Police Community Relations, gayundin ang Internal Affairs Service (IAS) at PNP Human Rights Office. | ulat ni Leo Sarne