Inaresto ang isang 40-taong gulang na babaeng Thai sa pagtatangkang magpuslit ng P20.7 milyong halaga ng marijuana Kush sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kahapon.
Sa ulat ni PNP Drug Enforcement Group (PDEG) Director Police Brigadier General Eleazar Matta, nahuli ang suspek sa controlled delivery operation sa International Arrival Area ng NAIA Terminal 3, na ikinasa ng Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) kung saan miyembro ang PDEG.
Narekober sa suspek ang 14.8 kilo ng marijuana Kush na nakalagay sa mga plastic bag.
Ang arestadong suspek at narekober na ebidensya ay dinala sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa dokumentasyon.
Binati ni Bgen. Matta ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon, at sinabing ang kanilang dedikasyon sa trabaho ay nagsisilbing “deterrent” sa mga nagtatangkang kumita sa pamamagitan ng ilegal na aktibidad. | ulat ni Leo Sarne