Iniimbestigahan na ng PNP Internal Affairs Service (IAS) ang pagkasawi ng isang pulis sa rescue operation na nauwi sa barilan noong Agosto 3 sa Angeles City, Pampanga.
Ayon kay IAS Inspector Atty. Brigido Dulay, naglunsad sila ng “motu proprio” investigation upang madetermina kung “friendly fire” ang naging dahilan ng pagkasawi ni PSSgt. Nelson Santiago at pagkasugat ni PCMSgt. Eden Accad sa nabanggit na operasyon.
Paliwanag ni Dulay, kung may sapat na ebidensya na magpapatunay na kapwa-pulis ang responsable sa pagkamatay ni Santiago, mahaharap ito sa kasong administratibo.
Nabatid na sa nangyaring operasyon noong nakaraang linggo, sinugod ng mga operatiba ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) ang kuta ng mga Chinese kidnapper sa Angeles City Pampanga.
Matagumpay na naligtas ang dalawang babaeng Chinese na biktima, at naaresto din ang dalawang suspek na pawang mga Chinese. | ulat ni Leo Sarne