Bukas ang Pilipinas sa possibleng pagsasagawa ng maritime cooperative activity kasama ang Spain.
Ito ang ipinaabot ni Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro sa bagong Spanish Defense Attaché to the Philippines Col. Santiago Martin Sanz, sa introductory call ng huli sa DND Headquarters sa Camp Aguinaldo.
Sa pagpupulong ng dalawang opisyal, natalakay ang mga kurso sa España na bukas para sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang mga oportunidad para sa kooperasyon sa capacity-building.
Ipinanukala ni Sec. Teodoro ang pagpapalitan ng impormasyon sa “military engineering” para sa pagpapahusay ng teknikal na kapabilidad ng AFP na rumesponde sa mga sakuna.
Nagpasalamat din ang kalihim sa suporta ng España sa Pilipinas sa gitna ng kasalukuyang situasyon sa West Phil. Sea at sinabing bukas ang Pilipinas sa possibleng port call sa bansa ng mga barkong pandigma ng España sa hinaharap. | ulat ni Leo Sarne