Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na walang ipinatutupad na quota at reward system sa kanilang kampaniya kontra iligal na droga.
Ito ang binigyang diin ng PNP bilang tugon sa mga pinakawalang akusasyon ni Police LtCol. Jovi Espenido nang humarap ito sa pagdinig ng Quad Committee ng Kamara.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, bagaman nagbibigay ng reward ang Pamahalaan, ito para lamang sa mga nakatutulong na maresolba ang hinahawakan nilang kaso at makapagtuturo sa mga sangkot dito.
Una nang nagpahayag ng pagkadismaya ang PNP sa naging paratang ni Espenido na isang aktibong opisyal ng Pulisya na isa umanong organisadong sindikato ang kanilang hanay.
Sinabi rin ni Fajardo na handa ang liderato ng PNP na humarap sa pagdinig ng Kamara o ng Senado sakaling kailanganin upang sagutin ang mga ibinabatong paratang laban sa kanila. | ulat ni Jaymark Dagala