Nanindigan ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na tuloy pa rin ang usad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Ito ay sa kabila ng resolusyong itinutulak sa senado para suspendihin ang programa.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, walang dapat ipag-alala ang mga tsuper at operator na sumunod na sa consolidation process dahil wala rin namang direktiba mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa Department of Transportation na ihinto ang programa.
“We assure the drivers, operators, and stakeholders who participated in the PUVMP that it will proceed as long as there is no directive coming from the President and the Department of Transportation (DOTr) to halt the program,” Chairman Guadiz.
Iginagalang naman aniya ng LTFRB ang resolusyon ng senado na ibinatay sa concerns ng ilang drivers at transport groups.
Kasunod nito, muling ipinunto ng LTFRB Chief na tugon ang PUVMP sa lumalalang mga isyu sa public transportation at makapaghatid na rin ng ligtas at mahusay na serbisyo sa mga commuter. | ulat ni Merry Ann Bastasa