Nakipagkasundo na rin sa Rice Contract Farming ang National Irrigation Administration at SANTAMASI Irrigators Association (IA) sa Sta. Maria, Laguna.
Kasunod yan ng nilagdaang memorandum of agreement para sa pagpapatupad ng programang layong mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka at maging epektibong kabahagi ng pagsusulong ng food security sa bansa.
Sakop ng kasunduan ang nasa 87 ektaryang palayan sa nasabing bayan na napapatubigan ng Sta. Maria River Irrigation System (RIS).
Katumbas rin ito ng 46 na magsasaka na susuportahan ng programa sa pamamagitan ng puhunan para sa farm inputs tulad ng binhi, fertilizers, at iba pang gastos sa pagsasaka tulad ng land preparation.
Sisimulan naman ngayong buwan ang land preparation at pagtatanim at inaasahan ang anihan nito sa Disyembre kung saan ibebenta din ang bigas sa mga Kadiwa outlets sa P29 kada kilo. | ulat ni Merrt Ann Bastasa