Binabalak ni Senador Sherwin Gatchalian na isulong ang amyenda sa SIM (Subscriber Identity Module) Registration Law para mas maprotektahan ang publiko mula sa mga scammer.
Kabilang sa mga amendment na pinaplano ni Gatchalian na isulong ay ang paglilimita sa bilang ng mga pinapayagang SIM na maaaring irehistro sa bawat user, at sa pag-regulate sa mga SMS (short message service) marketing, promotional, political o fundraising na pinapadala.
Ipinunto ng senador, na sa kabila ng SIM registration law ay marami pa ring natutuklasang rehistradong SIM na nasasangkot sa iba’t ibang uri ng online scam gaya ng love scam at cryptocurrency scam.
Natuklasan aniya ang karamihan sa mga ito sa mga na-raid na POGO hub ng mga otoridad.
Ito aniya ang isa sa mga dahilan kaya balak ng mambabatas na paamyendahan ang SIM registration law.
Nauna nang inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution 1054, na naglalayong imbestigahan ang paggamit ng SIM sa mga ilegal na operasyon ng mga POGO. | ulat ni Nimfa Asuncion