Pinaigting pa ng pamahalaan ang response efforts nito para matugunan ang insidente ng oil spill na nakakaapekto na ngayon sa ilang rehiyon sa bansa.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo, inilatag ng ibat ibang ahensya sa pangunguna ng DILG ang kanilang mga hakbang para malutas ang problema sa oil spill.
Ang PCG, tuloy tuloy pa rin ang metal recapping at resealing ng valve ng MT Terra Nova bago simulan ang paghigop ng langis sa barko.
Nakatutok naman ang DENR sa pagsusuri sa kalidad ng tubig at hangin sa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON.
Ayon kay DENR Usec. Juan Miguel Cuna, may ilang bahagi ng Navotas, Manila Ocean Park, MOA, at sa boudary ng Cavite at Las Pinas ang nakitaan ng langis at grasa ngunit patuloy na kinukumpirma kung mula ito sa lumubog na barko.
Sa panig ng DSWD, nakapaglaan na ito ng higit 31,000 family food packs sa ilang apektadong komunidad sa Cavite at Bataan.
Hinihintay naman ng BFAR ang resulta ng laboratory test sa fish samples na nakuha sa mga karagatang apektado ng oil spill. | ulat ni Merry Ann Bastasa