Inaresto ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang isang 54-anyos na lalaki na kinilala sa alyas na “Blondie” dahil sa pagbebenta ng mga malalaswang video ng mga bata at menor de edad online.
Ayon kay ACG Acting Director PBGen. Ronnie Francis M. Cariaga, pinangunahan ng Women and Children Cybercrime Protection Unit ng ACG ang operasyon matapos makatanggap ng ulat mula sa National Center for Missing and Exploited Children hinggil sa mga iligal na aktibidad ng suspek.
Sa imbestigasyon, natuklasan ang mga online account ng suspek kung saan siya nagbebenta ng mga tinatawag na “bagets” video o mga malalaswang video ng mga menor de edad.
Sa isinagawang victim identification operation ng mga otoridad natukoy ang isang 15-taong gulang na biktimang si alyas “Nick”, na tumanggap ng P300 pisong alok ng suspek kapalit ng pakikipagtalik sa kanya, na kinunan ng video ng suspek.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng kapulisan ang suspek na nahaharap sa mga kasong Paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act, gayundin sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012. | ulat ni Leo Sarne
📷 Courtesy of ACG